Lumutang ng husto ang galing at pagkamalikhain ng Isabeleño matapos tanghaling kampeon ang Isabela Bambanti Festival float sa Aliwan Fiesta 2014 na ginanap kamakailan sa lungsod ng Pasay. Tinalo ng likha ng lalawigan ng Isabela ang labing-anim na kalahok mula sa iba’t ibang panig ng kapuluan kabilang ang Utanon Festivalfloat ng Cebu at ang Indayog ti Sabsabongng Baguio City.

     Ang bayan ng Luna ang kumatawan sa lalawigan ng Isabela matapos tanghaling Kampeon sa Bambanti Festival noong Enero. Ayon kay Mayor Jimmy Atayde ng naturang bayan, sa labimpitong pabolosong float

na kumatawan sa iba’t-ibang festivals sa Luzon, Visayas at Mindanao, lutang na lutang ang ganda ng Isabela float na pinatingkad ng maliliit na butil ng bigas, mais at munggo. Hila ng dalawang matitikas na kalabaw, inilarawan ng float ang iba’t-ibang aspeto at proseso ng pagsasaka katuwang ang bambanti na siyang simbolo ng galing, sipag, tatag, at pagkamapagmatyag ng lahing Isabeleño. Tampok din dito ang St. Mathias Church ng Tumauini na itinayo noong 1707, isa sa mga pinakalumang simbahan sa Pilipinas at kilala dahil sa kanyang kakaibang cylindrical bell tower at ang Magat Dam na tinaguriang pinakamalaki sa buong Southeast Asia.

 

     Inialay ni Mayor Atayde ang tagumpay nila sa mga Isabeleño lalong-lalo na kina Governor Dy at Vice Governor Albano. Nagsadya ang mga opisyal ng lalawigan sa Maynila at nakipagsiksikan sa libo-libong streetdancers at manonood sa kahabaan ng Roxas Boulevard upang magbigay suporta sa team Luna, Isabela.

     Si Atayde ang nagdisenyo at namahala sa paggawa ng nasabing float. Ayon sa Municipal Tourism Officer ng Luna, muling nagpamalas ng kanyang pagiging hands-on ang nasabing alkalde sa kanilang paghahanda para sa naturang kumpetisyon.

     Nakamit ng Isabela Bambanti float ang halagang kalahating milyong piso bilang premyo. Mula sa Maynila,inuwi ang float at dinala sa harap ng bagong pinasinayaang Queen Isabela Park upang matunghayan din ng mga Isabeleño na nakiisa sa pagdiriwang ng ika-158 na Anibersaryo ng Araw ng Isabela.

     Ang Aliwan Fiesta ay tinaguriang “The Mother of All Fiestas,” kung saan nagtitipon-tipon ang mga kinatawan ng iba’t-ibang festivals sa buong bansa sa Star City Complex sa siyudad ng Pasay sa patimpalak ng street dance parade at festival float at ang Search for Ms. Aliwan. Ito ay sa ilalim ng pamamahala ng Manila Broadcasting Company (MBC) kasama ang Cultural Center of the Philippines (CCP), gayundin ang mga lungsod ng Maynila at Pasay. Ang Aliwan Fiesta ay nagsimula noong 2003 upang ipakita sa buong mundo ang mayamang kultura at tradisyon ng Pilipinas. Ang mga lalawigang sumasali dito ay nagkakaroon ng pagkakataong mai-promote o maipakita, hindi lamang ang mayamang kultura, kundi pati na rin ang ekonomiya at turismo ng kani-kanilang lugar.

     Ayon kay Governor Faustino Dy III, ang tagumpay ng Isabela sa Aliwan Fiesta ay isa na namang patunay sa pagsibol ng lalawigan ng Isabela bilang bagong sentro ng AGRIkultura.