“Dapat, ang ibang LGU at iba pang ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa mga magsasaka ay pumunta dito sa Isabela para makita kung ano ang ginagawa ng mga pinuno dito.”Ito ang naging pahayag ni Secretary Francis “Kiko” Pangilinan, Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization sa kanyang pagdalaw noong ika-26 ng Hulyo sa Regional Office ng NIA-MARIIS, sa lungsod ng Cauayan.

     Pinuri ng kalihim ang matinding suporta ng pamahalaang panlalawigan sa sektor ng agrikultura matapos talakayin ni Governor Faustino Dy III ang mga benepisyo ng programang Bojie-Rodito Opportunities (BRO) for Small Farmers, ang flagship project ng administrasyong Dy-Albano na naglalayong maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga maliliit na magsasaka.

     “Napakaganda ng ginagawa para sa mga magsasaka dito sa Isabela,” aniya.

 

     “Alam niyo, marami rin ang mga magagandang LGU sa ating bansa subalit napakaliit o hindi nila masyadong binibigyan ng pansin ang sektor ng agrikultura,”paliwanag ng dating senador. “Pero dito sa lalawigan ninyo ay napakaganda at talagang kayo ay binibigyan ng halaga ng inyong mga pinuno,” dagdag pa niya.

     “Number one kayo sa corn production, number two kayo sa rice… eh ‘pag napalawak pa ang sakahan dito ay malamang, kayo na ang magiging rice granary ng bansa,”paglalahad pa ng bagong kalihim.Pinasalamatan din at pinuri pa ni Pangilinan ang mga Isabeleño, lalong-lalo na ang mga magsasaka dahil sa napakalaking ambag nila upang maseguro ang sapat na pagkain ng sambayanang Pilipino.

     Bilang tugon, ay muling tiniyak ni Governor Dy na patuloy na magbibigay suporta at ayuda ang pamahalaang panlalawigan sa mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng programang BRO.

     Matapos ang simpleng palatuntunan ay nagsagawa ng aerial survey si Pangilinan sa mga sakahan sa lalawigan upang malaman kung paano makakatulong ang kanyang tanggapan sa sektor ng agrikultura.

     Noong Mayo ay itinalaga ni Pangulong Aquino si Pangilinan bilang Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization na may ranggong Kalihim. Sa pamamagitan ng EO 175, inilipat sa Office of the President ang National Food Authority (NFA), National Irrigation Administration (NIA), Philippine Coconut Authority (PCA), at ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA), mga ahensiyang nasa ilalim na ng pamamahala ni Pangilinan.

     Sa kanyang pangalawang termino bilang senador, si Pangilinan ay naging Chair ng Senate Committee on Agriculture and Food.