Isa na namang karangalan ang natanggap ng Lalawigan ng Isabela. Nito lamang Lunes, ika-5 ng Nobyembre, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ay isa sa mga napili upang tumanggap ng prestihiyosong Allen S. Quimpo Climate Leadership for Governance Memorial Award, isang karangalang ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan, organisasyon, at indibidwal sa buong bansa na nagpapatatag ng climate leadership sa pamamagitan ng programa o aksyon na nakatutulong sa pagresolba ng climate crisis sa buong bansa.

Ang pagkilala ay ibinigay ng The Climate Reality Project Philippines, isang non-profit organization na itinatag ni Nobel Laureate at dating US Vice President na si Al Gore. Ang 2018 Climate Reality Leadership Awards ay ginanap sa National Museum of Natural History sa Maynila.