Paalala mula kay Gov. Rodito Albano III

August 4, 2020 – Nakapagtala ang lalawigan ng Isabela ng 13 confirmed positive cases sa araw na ito, pinakamataas na bilang mula nang sumailalim ang Isabela sa community quarantine noong March 16, 2020. Tatlo (3) sa mga bayan ng Tumauini at Roxas, dalawa (2) sa Echague at tig-isa (1) sa mga bayan ng Jones, Gamu, Reina Mercedes, San Isidro at Angadanan. Sa kabuoan, umabot na sa bilang na 62 confirmed positive cases ang Isabela.

 

Nagpahayag naman ng kalungkutan si Gov. Rodito Albano III na lima (5) ang nagpositibo sa COVID-19 noong August 2, 2020 mula sa Naguilian, Isabela bagama’t sila ay walang naiulat na travel history o anumang uri ng paglalakbay sa ibang lugar. Ito’y matapos dumalo ang mga ito sa lamay ng kanilang kaanak. Maaaring nakuha umano ang COVID-19 sa kanilang bisitang kamag-anak na galing sa Quezon City.

Muling pinaalalahanan ni Gov. Albano ang mga Isabeleños na bagama’t nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang lalawigan, ibayong pag-iingat pa rin ang paiiralin at iwasan ang pagkumpol-kumpol o mass gathering. Ayon sa alituntunin ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID), sa ilalim ng MGCQ, 50% o kalahati lamang sa mga dadalo ng mga pagsamba o misa ang pinapayagan, gayundin ang iba pang uri ng mass gathering para masunod ang social/physical distancing.

Nanawagan ang gobernador na sundin ang mga sumusunod na alituntunin upang ang COVID-19 ay maiiwasan:

1. Magsusuot ng face mask sa lahat ng pagkakataon, lalo na kung lumalabas ng bahay, at kinakailangan ang mga awtorisado lamang ang lumalabas sa kanilang tahanan.
2. Palagiang sundin ang isang metrong distansya sa lahat ng oras bilang pagtupad sa social/physical distancing.
3. Ang paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon ay mabisang pagpapanatili ng kalinisan.
4. Ugaliin din ang paggamit ng alcohol at sanitizer.
5. At higit sa lahat, panatilihin natin ang kalinisan sa loob at labas ng bahay at ating kapaligiran.

#DisiplinaMuna
#WeHealAsOne